Wednesday, March 11, 2009

Social Issues: Mga Mukha ng Kahirapan

Kung tatanungin ka kung ano ang mga problema ng bansang Pilipinas, hindi mawawala ang kahirapan sa mga maaari mong maisagot. Hindi maikakailang maraming mga Pilipino ang naghihirap.

Hindi na kakaiba sa atin ang makakita ng mga pulubi sa kalsada, o kaya nama'y makaramdam ng basahan na idinadampi sa ating mga sapatos ng mga batang humihingi ng limos sa jeep. Ito ang mga mukha ng kahirapan.

MGA BATA


Katulad ng nasabi ko kanina, hindi na nga bago sa atin ang makakita ng mga batang naglilinis ng sapatos sa jeep sa pagbabaka-sakaling makahihingi ng kaunting limos. May ilang naiinis sa ganitong gawain, lalo na siguro ang tsuper. Pero mayroon din namang naaawa at paminsa'y nagbibigay ng kaunting barya o, di kaya'y pagkain. Minsan, nakapagbibigay din ako sa mga batang ito ng pagkain o kaya'y barya.

Bukod dito, nag-aalay ako ng panalangin sa tuwing makakakita ako ng ganitong mga bata. Ipinagdadasal ko na bagama't ganoon ang kalagayan nila, huwag nawa silang matutong magdroga o kaya'y matuto ng iba pang mga bisyo. Paano nga naman lalaki ang bata nang may tamang mga prinsipyo sa buhay kung gayon ang kalalakhan niyang mundo? Paano niya maiiwasang maging "ugaling kanto" kung sa kanto nga lang siya nakatira? Mabuti sana kung may magulang na nag-aalaga sa kanila. ngunit paano kung wala?

ANG PAMILYA

Karaniwan din sa atin ang makakita ng mga pamilyang naninirahan sa kalsada, di kaya'y sa kariton. Mapalad ang mga pamilyang ito sapagkat sama-sama pa rin sila kahit na naghihirap sila. Mas maigi ito kaysa naman sa mga pamilyang mayayaman nga, hindi naman buo.

Pinagpala rin sila sapagkat nalalaman nila ang kahalagahan ng paghihirap. Mas masarap para sa kanila ang bawat kainin nila sapagkat ito'y bunga ng pagpapakahirap at pagtitiyaga. Ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi na natin sila dapat tulungan.

Ang Pamilyang Nasa Kariton (PnK) bilang Munting Simbahan

Ang mga pamilyang sa kahirapan ay sa kariton na lang nakatira ay isang munting pamayanan. Maaari pa nga nating sabihing sila ay munting Simbahan, isang munting komunidad ng mga manananpalataya na itinuturing ang Diyos bilang kanilang Ama, umiibig, nagpupuri at umaasa sa Kanya.

Dahil dito, nararapat din na tugunan natin, hindi lamang ang kanilang mga temporal na pangangailangan kundi pati na rin ang espiritwal. Katulad ng nasabi ko tungkol sa mga bata, dapat ding lumago sa pag-ibig at tamang mga prinsipyo ang mga pamilyang ito. Mapapalad ang mga batang kabilang sa mga PnK sapagkat mayroon pa silang mga magulang na gagabay sa kanilang paglaki.

PAGKILOS

Bilang mga Kristiyano, hindi dapat tayo maging bulag at bingi sa mga pangangailangan ng mga mahihirap. Dapat tayong kumilos para sa kapakanan nila. Ang Simbahan natin ay maka-mahirap. Ating suportahan ang mga proyekto nito para sa mga mahihirap.

Kahit sa ating mga sarili, marami tayong magagawa. Hindi porke't wala kang pera ay wala ka nang magagawa. Ang simpleng pagbabahagi ng iyong kinakaing meryenda para sa mga batang nanghihingi ay pagtulong na rin. Di kaya nama'y ang pagsali sa mga outreach kung saan maaari mong makasalamuha ang mga kapus-palad. Dito'y maipaparamdam mo sa kanila na tao sila at mahalaga sila.

Higit sa lahat, kailangan natin silang ipagdasal. Ang dasal ay isang pagtulong na nakaka-abot sa kahit anong panig ng mundo. Kahit malayo sa yo ang isang tao, ang pagdadasal para sa kanya ay malaking tulong na.

Mahalin natin ang mga mahihirap. Sila ang imahe ng nagdurusang si Kristo.



At sasabihin sa kanila ng Hari, 'Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.'
(Mt. 25:45)

Monday, March 9, 2009

Morals/Social Issues: Reproductive Health Bill

Kailan lang ay lumikha ng maraming ingay ang bill na ito. Marahil ay hindi pa tapos ang issue na ito ngunit nasasapawan lamang ng napakarami pang issue. Ganyan naman talaga dito sa Pinas. Madaling masapawan ang mga issue dahil may mga umuusbong na bago.

Anyway, ang bill na ito ay mariing tinututulan ng Simbahang Katoliko. At bilang matapat na anak ng Inang Simbahan, ihahain ko ang panig niya.

Ayon sa official statement ng CBCP, Standing up for the Gospel of Life, ang bill na ito ay hindi naman talaga masama per se. It "makes a number of good points", ika nga. Ngunit ang ating mga obispo ay nag-point out ng mga delikadong nilalaman o kakulangan nito.

Una sa lahat, hindi porke't dumadami ang populasyon ay nangangahulugan nang mahihirapan tayong umunlad. Malinaw na sinaad iyan ng Simbahan (CBCP Statement, July 10, 1990).

Ikalawa, bagama't sinasabi ng RH Bill na ilegal ang abortion, ikinatatakot ng Simbahan na ang bill na ito'y maaaring magbigay-daan sa paglelegalize ng abortion. Bukod pa rito, hindi isinaad sa bill na ang buhay ay mahalaga simula pa lamang sa conception. Hindi ipinagbabawal ng bill ang contraceptives, bagay na noon pa ma'y tinututulan na ng Simbahan.

Ikatlo, dahil sa proposal ng bill na magkaroon ng Reproductive Health Education Curriculum, mawawalan ng pagkakataon ang mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang tungkol sa sex, family planning at reproductive health nang naaayon sa kanilang mga pinaniniwalaan. Gayundin naman sa mga guro, mapipilitan silang ituro ang mga bagay na maaaring hindi nila sinusuportahan. Ito'y labag sa tinatawag nating freedom of conscience.

Ito ang panig ng Simbahan. Hindi nito tinututulan ang kabuuan ng RH Bill. Hinihiling nito na baguhin, dagdagan at bawasan ang mga nilalaman nito. Ika nga ng ating mga obispo, "Chosse life and preserve it!"

____________________
Ang artikulong ito ay isang reiteration ng pahayag ng CBCP. Para sa dagdag kaalaman ukol sa authority ng Simbahan, basahin ang CATHOLICS CANNOT SUPPORT THE RH BILL
IN GOOD CONSCIENCE
.

Thursday, March 5, 2009

Ang Mga Topic

Ang mga ipapaskil kong topics ay mahahati sa dalawa:

Morals

Social Issues


Bawat post ko ay lalagyan ko ng indikasyon batay sa uri ng topic.

Magiging Taglish ang mga posts upang mas maintindihan ng lahat at upang hindi rin naman ako mahirapan sa pagsusulat.

Wednesday, March 4, 2009

Kilos Katotohanan!

Ang blog na ito ay ginawa upang suriin ang mga isyung kinakaharap natin ngayon bilang tao, bilang Pilipino at bilang Kristiyano. Sa madaling salita, tatalakayin nito ang mga katanungan sa moralidad sa pang-indibidwal na lebel, mga isyu sa lipunan at maging mga katanungan sa pananampalatayang Katoliko. Layon nitong tuklasin ang katotohanan sa mga isyung tatalakayin at magmungkahi ng karampatang kilos bilang pagtugon. Lahat ng ito'y mula sa pananaw ng isang kabataang Katolikong Pilipino na tapat sa Simbahan, kaya't asahang ito'y panig o may bias sa Simbahan.

Gayunpaman, ang katotohanan ay mananatiling katotohanan. Hindi maaaring magkaroon ng kanya-kanyang katotohanan ang Simbahan at ang iba pang mga institusyon.

Halina, tuklasin ang marapat gawin! Kilos katotohanan!